Tatlong empleyado ng bangko na nagtangkang ibiyahe ang P32M patungong Cebu, iimbestigahan ng BSP
Nagpadala na ng kinatawan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Cagayan De Oro City para imbestigahan ang natuklasang P32 milyon na isasakay sana sa barko noong Lunes, June 27, patungong Cebu.
Ito ay matapos na magpakilala ang tatlong lalaki na pinigil ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard na sila ay empleyado ng isang bangko.
Ayon kay Coast Guard spokesperson, Commander Armand Balilo, nais nilang matukoy kung mayroon bang nalabag sa ilalalim ng rules ng BSP dahil sa paraan ng pagbiyahe ng nasabing mga pera.
Inilagay lamang kasi sa Styrofoam boxes ang P32 milyon at saka tinangkang isakay sa barko sa pantalan ng Cagayan De Oro patungong Cebu.
Pero naharang ng mga tauhan ng Coast Guard ang tatlong lalaking may bitbit ng Styrofoam at hanggang sa ngayon ay nakakulong pa rin ang mga ito.
Naghihigpit ang Coast Guard sa mga bumibiyahe at kanilang mga bagahe lalo na sa mga pantalan sa Mindanao, dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.