Pitong tricycle inararo ng SUV sa Quezon City, 2 ang sugatan

Dalawa ang nasugatan makaraang araruhin ng isang SUV ang mga tricycle na nakaparada lamang sa bahagi ng V. Luna Extension, Sikatuna Village, sa Quezon City.

Nawasak ang kanang bahagi ng bumper ng SUV at nasira din ang mga tricycle na sinagasaan nito.

Isa sa mga nasugatan ang tricycle driver na si Jesus Dayo at isa pang hindi nakilalang lalaki na kapwa nagtamo ng sugat sa kanilang katawan.

Ayon sa mga driver ng tricycle na nakaparada sa lugar, nagbababa ng pasahero si Dayo sa paradahan sa bahagi ng V. Luna Extension nang salpukin ito ng KIA Sportage na may plakang KDP 569.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon si Dayo habang inararo pa ng SUV ang pito pang nakaparang tricycle.

Ligtas naman ang dalawang babaeng sakay SUV na ayon sa mga tricycle driver ay pawang nakainom umano.

Nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to physical injuries at damage to properties ang driver ng SUV.

 

 

 

 

Read more...