Ito ay ayon mismo sa source ng Inquirer na kasama ng mga emisaryo sa pakikipagpulong kay Abdullah Maute, isa sa mga lider ng Maute Group, noong nagpatupad ng ilang oras na humanitarian pause ang mga militar noong Linggo.
Ayon sa source, sinabi ni Abdullah na handa silang lisanin ang Marawi City kung papagitna ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) para tapusin na ang krisis.
Kung hindi naman aniya papayag ang MILF, lalaban ang Maute Group hanggang sa kahuli-hulihang patak ng kanilang dugo.
Kwento pa ng source na tumangging siya’y mapangalanan, walang balak makipagnegosasyon ang mga gunmen ng Maute Group at ang kanilang mga kaalyado sa Abu Sayyaf Group.
Aniya pa, ang walong emisaryo na pawang mga Muslim leaders ay pinayagan ng Maute Group na makalapit dahil sila ay mga Maranao din.
Tiniyak naman ng mga miyembro ng Maute sa mga emisaryo na buhay si Fr. Chito, ngunit pakakawalan lang nila ito kung pakakawalan rin ang mga nakakulong na magulang nila at iba pa nilang kaanak.
Samantala, sinabi ng source na wala sa pagpupulong ang kapatid ni Abdullah na si Omar, at aniya, hindi ito sumagot nang tanungin siya tungkol sa kaniyang kapatid.