Travel ban ni Trump, muling binuhay ng US Supreme Court
Pinayagan ng US Supreme Court na pairalin na muna ang temporary ban ni President Donald Trump sa mga biyahero mula sa anim na Muslim-majority countries at refugees.
Nagsilbing isang malaking pagsubok sa kapangyarihan ng pangulo ng Estados Unidos ang kaso tungkol dito.
Sa ngayon ay pinayagan ng mga hukom ang ilang bahagi ng emergency request na ito ng administrasyong Trump habang nagpapatuloy pa ang diskusyon tungko sa legalidad ng kautusang ito.
Ayon sa korte, magsasagawa sila ng pagdinig sa Oktubre tungkol sa pagiging legal ng isa sa mga itinuturing na signature policies ni Trump sa kaniyang panunungkulan.
Inilabas ni Trump ang kautusan noong March 6 kung saan nakasaad ang 90-day ban sa mga biyahero mula sa Libya, Iran, Somalia, Syria at Yemen, at 120-day ban naman sa mga refugees.
Sa loob ng susunod na 72 oras, paiiralin na ang parehong bans, base na rin sa memorandum na inilabas ng Trump administration noong June 14.
Pero ang ipatutupad na bans ngayon ay limitado, dahil maari pa ring mapayagan ang magnanais na bumiyahe sa US mula sa mga naturang bansa kung mayroon silang “credible claim of a bona fide relationship” sa sinuman o anumang entity sa US.
Halimbawa dito ay isang close familial relationship, o kaya ay “formal, documented and formed” relationship para sa mga magtatrabaho o mag-aaral sa US.
Ayon sa administrasyon, kailangan nila ang travel ban para mabigyan ng panahon ang gobyerno na makapagpatupad ng mas mahigpit na proseso ng pagsisiyasat sa katauhan ng mga dayuhang gustong pumasok sa Amerika.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.