15 nawawala pa rin sa paglubog ng tourist boat sa Colombia
Labinlima pa rin ang nawawala sa paglubog ng isang tourist boat sa Medellin sa Colombia na may lulan na mahigit isandaan limampung pasahero, na ikinasawi ng anim katao.
Nagsanib pwersa na ang mga rescuers na kinabibilangan ng mga bumbero at air force pilots sakay ng mga helicopters para galugarin ang Guatape reservoir kung saan lumubog ang El Almirante ferry.
Dahil sa kawalan ng passenger list, umaasa lang ngayon ang mga otoridad sa bilang ng mga miyembro ng mga pamilyang naroon at sa mga impormasyon mula sa mga survivors.
Ayon kay Margarita Moncada na pinuno ng disaster relief agency ng Antioquia state, sa isandaan tatlumpu’t apat na nakaligtas, tatlo sa kanila ang nananatili pa rin sa ospital bagaman nasa mabuti naman nang kalagayan.
Pansamantala namang sinuspinde ng grupo ng 25 na scuba divers ang kanilang search operation magdamag dahil sa mga pagkidlat.
Gayunman, agad nilang ipinagpatuloy ang paghahanap bago pa sumikat ang araw ng Lunes sa Colombia para hanapin pa ang mga na-trap na biktima.
Sa ngayon ay hindi pa rin tiyak kung ano ang naging dahilan ng paglubog ng bangka.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.