Duterte, hindi nagpapabaya sa trabaho – Andanar

Iginiit ng Malakanyang na hindi nagpapabaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang trabaho at mga ipinangako sa taumbayan.

Ang pahayag ng Palasyo ay sa gitna pa rin ng mga batikos at puna kaugnay sa hindi masyadong paglabas o pagpapakita ni Duterte noong mga nakalipas na araw.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, patuloy ang pagsusumikap ni Duterte na matugunan ang mga problema ng bansa.

Ito’y sa pamamagitan aniya ng Build Build Build program at ang Dutertenomics para mapalago ang ating ekonomiya.

Hindi rin daw kinakalimutan ng pangulo ang pagresolba sa suliranin sa trapiko hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa, at higit sa lahat ang nagpapatuloy na krisis sa Marawi City.

Sinabi ni Andanar na hindi magagawa ang lahat ng programa sa loob lamang ng magdamag, kaya naman umapela siya ng pasensiya dahil mayroong mga prosesong sinusunod.

Binigyang diin pa nito na ang lahat ay may kaakibat na sakripisyo kaya hinihikayat nila ang mga mamamamayan na tumulong at makiisa.

Si Duterte ay walang official schedule ngayong holiday.

Pero bukas, may Eid’l Fitr celebration sa Malakanyang, kung saan inaasahan na magpapakita ang presidente.

Read more...