Posibleng pinaglibingan kay Omar Maute, hahanapin ng AFP para makumpirmang patay na nga ang terorista

Para matiyak kung talagang nasawi ang isa sa Maute Brothers na si Omar Maute at isang dayuhang terorista, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sisikapin nilang matukoy ang posibleng pinaglibingan sa mga ito.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni AFP spokesperson B/Gen. Restituto Padilla na kailangang makita at masuri ang bangkay para matiyak na patay na nga si Omar Maute at ang isang Malaysian terrorist.

“Kung totoong namatay si Omar Maute at isang Malaysian, sinisikap nating malaman kung saan sila inilibing, para masuri natin ang kanilang mga labi,” sinabi ni Padilla.

Sinabi rin ni Padilla na patuloy nilang ipinagpapalagay na nasa Marawi City pa rin si Isnilon Hapilon hangga’t walang maliwanag na kumpirmasyong nakukuha na ito ay nakatakas.

Sa pagpapatuloy ng bakbakan sa lungsod, sinabi ni Padilla na umabot na sa 28 ang bilang ng mga sibilyang pinatay ng mga kalaban.

Nasa 200 naman ang mga teroristang nasawi at 70 sa pwersa ng pamahalaan.

Sa araw-araw sinabi ni Padilla na patuloy nakaka-recover ng mga armas ang mga sundalo sa mga bahay na posibleng pinagkutaan ng grupo.

Tiniyak naman ni Padilla na selyado ang buong lungsod ng Marawi kaya mahihirapan ang mga teroristang makalabas o makapagdagdag pa ng pwersa.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...