Pananambang sa isang negosyante sa Pasay City, sapul sa CCTV

Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin sa tapat ng kanyang furniture shop sa A. Arnaiz Avenue, Pasay City.

Dead-on-arrival sa ospital ang 40-anyos na si Michael Ian Versoza matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo.

Sapul pa sa CCTV ang mismong pamamaril ng naglalakad lamang na gunman habang isinasara ng biktima ang kanyang furniture shop.

Bumulagta ang biktima matapos malapitang barilin, at pagkatumba nito, muli pang pinaputukan ng suspect.

Matapos ang pamamaril, naglakad lang ang suspect papunta sa direksyon ng Taft Avenue.

Hindi pa alam sa ngayon ang pagkakakilanlan ng suspect na nakasuot ng itim na t-shirt, khaki na shorts at bullcap.

Ayon kay Kagawad Ariel Diones ng Brgy. 69, unang narinig na nakikipag-talo sa isang customer ang biktima.

Pero, hindi umano nila masabi kung ang nakaaway na customer ang bumaril kay Versoza.

Nag-alok naman ng pabuya ang pamilya ng biktima para sa makapagtuturo sa gunman.

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Pasay City Police sa nasabing insidente.

Read more...