CPP, pumalag sa pahayag ng gobyerno laban sa NPA

By Kabie Aenlle June 26, 2017 - 04:58 AM

Bumwelta ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa pagkastigo ng pamahalaan sa mga opensiba ng New People’s Army (NPA) sa Mindanao.

Sa una kasing inilabas na pahayag ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), kinwestyon nito kung karapatdapat pa bang ipagpatuloy ang peace negotiations sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ito’y dahil sa mga pag-atake ng NPA sa Mindanao kamakailan, na ayon sa OPAPP ay nagpapakita na tila hindi lang ang mga militar ang target ng mga NPA kundi pati na rin ang mga sibilyan at mga pribadong ari-arian.

Pero, ipinunto ng CPP sa kanilang pahayag na wala namang maipakita ang Malacañang na may kautusan na si Pangulog Rodrigo Duterte sa mga militar na itigil ang pakikipagsagupa sa NPA.

Dahil dito, iginiit ng CPP na iwasan ng OPAPP ang paglalabas ng mga pahayag na kumakastigo sa NPA kung patuloy pa rin naman ang all-out war ng AFP laban sa kanila.

Binigyang diin naman ng CPP na una nang nagrekomenda ang NDFP na ihinto na ang mga opensiba sa Mindanao, kung iiwas na rin ang AFP sa pag-atake sa NPA.

Gayunman, wala pa rin naman anilang umiiral na konkretong kasunduan tungkol dito.

Inakusahan rin ng CPP ang gobyerno ng pang-aabuso sa mga karapatang pantao, at sinabing hindi bababa sa lima katao na ang pinatay ng mga pwersa ng gobyerno sa Southern Mindanao mula nang ideklara ang martial law.

Bukod pa anila ito sa halos 310,000 kataong napilitang lumikas sa Marawi City at iba pang mga kalapit na bayan dahil sa pag-target ng mga AFP sa kanilang mga komunidad.

Giit pa ng CPP, dahil sa all-out war ng AFP, napipilitan ang NPA na magsagawa rin ng mga pag-atake para depensahana ng kanilang mga sarili.

Sa kabila ng lahat ng ito, umaasa pa rin ang CPP na matutuloy pa rin ang mga peace negotiations na pansamantalang nabalam.

Matatandaang pansamantalang sinuspinde ng pamahalaan ang ika-limang round ng peace talks dahil sa mga pag-atake ng NPA.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.