“Ginagawa ko lang ang trabaho ko”-De Lima

August 28, 2015 - 04:33 AM

doj de lima 2Pinabulaanan ni Justice Secretary Leila De Lima ang mga akusasyon sa kaniya na binibigyan niya ng labis na pansin o binibigyan ng “extraordinary attention” ang mga kasong may kaugnayan sa Iglesia Ni Cristo.

Giit ni De Lima, ginagawa lang niya ang trabaho niya at wala siyang ibang motibo kundi gawin ang kaniyang mga tungkulin bilang Justice secretary.

Dinepensahan naman siya ni Atty. Trixie Cruz-Angeles, abogado ng pinatalsik na ministro ng INC na si Isaias Samson Jr., na walang kinalaman si De Lima sa isinampang reklamong illegal detention, harassment, threats at coercion ng kaniyang kliyente laban sa mga miyembro ng Sanggunian.

Kinwestyon niya ang alegasyon sa kalihim ukol sa “extraordinary attention” dahil aniya, ni wala nga si De Lima noong sinumite ni Samson ang reklamo, bagkus ay sinumpaan lamang ito ng kaniyang kliyente.

Dagdag pa niya, wala pang aksyon at preliminary investigation na isinasagawa ang Department of Justice.

Para kay Angeles, ang rally na ginanap kahapon ay isang kilos o aksyon na ginawa ng mga tao sa likod nito para mabagabag at impluwensyahan ang mga desisyon at tungkulin ng mga opisyal ng kagawaran hinggil sa imbestigasyon sa kaso.

Ang nasabing protesta ay dinaluhan ng higit sa 1,000 na miyembro ng INC sa harap ng DOJ na nananawagan sa kalihim na respetuhin at huwag nang pakialaman ang kanilang relihiyon, bagkus ay pagtuunan na lamang ng pansin ang mga mas mahalagang kaso tulad na lamang ng insidente sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na Special Action Force troopers.

Ayon sa isang miyembrong nakapanayam ng Inquirer na tumangging magpakilala, bulag at “bias” umano si De Lima sa isyu at iginiit na wala na aniyang pakialam rito ang kalihim dahil ito ay isang “internal problem”.

Nabalitang dadalo rin sana si Pangulong Benigno Aquino III sa inihandang selebrasyon ng kaarawan ni De Lima sa DOJ, pero dahil sa dami ng mga taong nasa labas at nag-protesta ay minabuting ikansela na lamang ang nasabing pagbisita para sa kaniyang seguridad.

Samantala, patuloy sa pagtitipon tipon ang halos nasa isang libong kasapi ng INC sa harap ng DOJ.

Naglagay ng entablado ang mga kasapi, kasama ang mga speakers at isang LCD screen. Sabay-sabay na sinisigaw ng mga kasapi ang kanilang paniniwala, kasama ang mga katagang “walang uuwi” hanggang sa bumuhos ang isang malakas na ulan.

Nakalagay din sa mga pinirint nilang tarpaulin ang mga mensahe ukol sa kanilang kalayaan sa relihiyon, kaugnay ng respetong kanilang hinihingi mula sa ahensya ng pamahalaan.

Kahapon pa ng tanghali nagsimulang dumagsa ang ilan sa mga miyembro, kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni De Lima.

Sinabi ng mga miyembro ng INC na hindi nila iboboto ang kasalukuyang kalihim.

Tinatayang aabot ng 1.37 milyon ng 52 milyong Pilipinong botante ay miyembro ng INC, o humigit kumulang 2.6% ng kabuuang populasyon ng mga rehistradong botante./Kathleen Betina Aenlle, Stanley Gajete

TAGS: Iglesia ni Cristo, justice sec leila de lima, Iglesia ni Cristo, justice sec leila de lima

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.