Ayon sa Commission on Audit (COA), hindi bababa sa 176 sa 469 na fire trucks na binili ng BFP ay may seryosong depekto sa mga makina nito, dahilan para hindi magamit ang mga ito.
Kabilang sa mga napunang may depekto ay ang engine relay, starter at iginition switch, may tagas na water pump gasket at sirang transmission at hand brake.
May ilang fire trucks naman na hindi pantay ang gulong, may sirang side mirrors, tumatagas ang langis, mabilis maubos na baterya at mababa ang level ng coolant.
Sa huling update noong May 9, 107 na truck ang hindi pa naaayos ng supplier ayon sa COA.
Napansin rin ng COA ang mga paglabag sa procurement rules, partikular na ang pagiging kwestyunable ng nanalong bidder kung ito nga ba talaga ay Filipino-owned.
Nabatid rin ng COA ang kawalan umano ng masinsin na pagpaplano at post-qualification process na humigit sa 30 araw.
Partikular na pinuna sa COA audit ang joint venture sa pagitan ng Kolonwel Trading at Hubei Jiangnan Special Automobile Co. Ltd na nanalo sa kontrata noong January 2015.
Dahil sa mga kapalpakang nasipat ng COA, inirekomenda nila sa BFP na hingan ng P52 milyong halaga ng danyos ang contractor dahil sa pakakaantala ng mga delivery trucks.
Kung hindi anila tutugon dito ang contractor ay pananagutin nila ang mga taong nagbigay pahintulot na ilabas ang full payment sa 469 na fire trucks.