500 pulis ipakakalat sa Maynila para sa Eid’l Fitr sa Lunes
Aabot sa mahigit 500 pulis ang ipakakalat ng Manila Police District (MPD) sa iba’t ibang bhagi ng Maynila.
Ito ay para na rin sa paggunita ng Eid’l Fitr na pagtatapos ng Ramadan holy month ng mga muslim.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni MPD spokesperson P/Supt Edwin Margarejo na particular na ipakakalat ang mga pulis sa may bahagi ng Quirino Grandstand at Quiapo Golden Mosque.
Magkakaroon kasi ng isang congressional prayer sa Quirino Grandstand na kasabay ng mga mala-pistang aktibidad sa Golden Mosque sa Lunes.
Dagdag pa ni Margarejo, magpapakalat rin sila ng mga covert security o kaya iyong mga pulis na naka-bihis sibilyan para mas mapanatili ang kaayusan.
May ipatutupad din aniyang traffic rerouting ang MPD sa bisinidad ng Quirino Grandstand at Quiapo.
Pagtitiyak ni Margarejo, wala naman silang namomonitor na banta sa seguridad.
Wala rin aniya silang nakukuhang impormasyon na nasa Quiapo na ang mga miyembro ng Maute Group na ngayon ay naghahasik ng kaguluhan sa Marawi City.
Samantala, bukod sa pagpapanatili ng seguridad, maglalagay din sila ng mga health units sa mga naturang lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.