Supply ng tubig ng bansa, hindi pa rin sapat – MWSS
Marami pa ang kailangang maisakatuparan para masabing sapat ang supply ng tubig ng bansa.
Ayon kay Metropolitan Waterworks and Sewerage System administrator Reynaldo Velasco, hanggang ngayon kasi ay masasabing hindi pa rin talaga sapat ang supply ng tubig sa Pilipinas.
Sa ngayon aniya ay nasa 40.4 out of 100 ang lagay ng national water security.
Paliwanag ni Velasco, kailangang ma-secure ang supply ng tubig sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga karagdagang water sources.
Hindi aniya dapat manatiling naka-depende lamang sa Angat Dam, lalo na kung tumama na ang inaasahang “The Big One” o ang 7.2 magnitude na lindol.
Dahil dito, isinusulong aniya ng MWSS na makatulong ang Laiban at Kaliwa water dam projects upang makatulong sa pagbibigay ng sapat at sustainable na water supply sa kanilang mga consumers sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan hanggang sa susunod na 22 hanggang 50 taon.
Samantala, sinabi naman ni Manila Water president Ferdinand dela Cruz na nabawasan na nila ang water system losses, dahilan para makatipid ng 700 milyong litro ng tubig araw-araw.
Nangako naman ang Maynilad na mag-iinvest pa sila ng mga water infrastructure tulad ng reservoir at pumping stations, para mapatibay ang water supply sa kasagsagan ng climate change.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.