Konsehal na Pasay at bodyguard, sugatan sa pamamaril sa labas ng bar

Sugatan ang isang konsehal ng Pasay City pati ang kaniyang bodyguard matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa labas ng isang bar.

Inoobserbahan pa ngayon sa ospital ang konsehal na si Borbie Rivera at ang security aide niyang si Alex Dominguez matapos magtamo ng ilang tama ng bala sa katawan bunsod ng pag-atake.

Ayon sa isa sa mga imbestigador na si SPO1 Giovanni Arcinue, inabangan ng mga suspek ang mga biktima na lumabas sa Titan Z International Entertainment bar sa Diosdado Macapagal Boulevard sa Pasay.

Kasasakay lamang nina Rivera at Dominguez, kasama ang iba pang bodyguards na sina Cyril Arce at Jerome Ruiz sa Toyota Land Cruiser ng konsehal dakong alas-4:00 ng madaling araw ng Biyernes nang sila ay pagbabarilin ng riding in tandem.

Naglabas rin ng kanilang mga armas sina Arce at Ruiz at pinaputukan ang mga suspek, ngunit nakatakas ang mga ito nang hindi man lang tinatamaan.

Narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen ang 30 basyo ng bala mula sa isang .45 cal na pistol, at limang basyo naman mula sa 5.56-mm rifle.

Bukod dito ay nakuha din ng mga imbestigador ang dalawang bag na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek para pagtaguan ng kanilang mga baril.

Limang sasakyan rin sa malapit na parking area ang tinamaan ng mga ligaw na bala.

Una nang naaresto si Rivera noong 2015 dahil sa pagiging suspek sa isang murder case, na kalaunan ay napawalang-sala din.

Read more...