WATCH: Pagpapasabog sa labas ng PCP sa Maynila, huli sa CCTV

By Cyrille Cupino June 23, 2017 - 08:22 AM

Isang pagsabog ang naganap sa Arellano Street sa San Andres Bukid, Malate, Maynila, katabi ng Arellano Police Community Precinct (PCP).

Narinig ng mga residente ang pagsabog bandang 3:17 ng madaling araw, na sinundan pa ng dalawang putok ng baril.

Nakuhanan naman ng CCTV camera ang pagdating ng lalaking nakamotorsiklo na sinasabing nagbato ng hindi pa matukoy na pampasabog.

Ayon sa mga barangay tanod na nakakita, nakasuot ang suspect ng itim na jacket, maskara at helmet.

Galing ang suspect sa Leyte Street, patungo sa Francisco Street, hanggang sa Arellano Avenue, saka lumusot papalayo sa may Espiritu Street.

Sinubukan pang habulin ng mga pulis ang suspect, pero mabilis rin itong nakatakas.

Wala namang nasaktan sa pagsabog, pero bahagyang nasira ang SUV ni Arellano PCP Commander Police Chief Insp. Paul Sabulao, pati na rin ang isang motorsiklo na nakaparada sa tabi ng istasyon.

Sa hindi kalayuan, may jeep at kotse din na nakitaan naman ng mga tama ng bala.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District upang malaman ang motibo sa likod ng pagpapasabog.

 

 

TAGS: malate maynila, Manila Police District, pcp, malate maynila, Manila Police District, pcp

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.