Tinatanggap pa rin sa mga pampublikong paaralan sa Quezon City ang mga estudyanteng nagsilikas mula sa Marawi City.
Ayon kay Quezon City Schools Superintendent Dr. Elizabeth Quezada, patuloy silang tatanggap ng transferees mula sa mga conflict area sa Mindanao hanggang June 30 alinsunod na rin sa kautusan ni DepEd Sec. Leonor Briones.
Paliwanag ni Quezada, may 78 mag-aaral na apektado ng bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at armadong grupo sa ilang bahagi ng Mindanao. 73 rito ay mula sa Marawi City habang ang 5 ay mula sa iba pang bahagi ng Lanao del Sur.
Karamihan umano sa mga transferees ay tinanggap sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa elementarya at high school sa District V at VI kung saan maraming Muslim communities, kabilang na dito ang area ng Novaliches at Culiat.
Nilinaw naman ni Dr. Quezada na wala silang problema sa pagtanggap ng mga transferees dahil mayroon naman silang sapat na mga silid aralan.
Matatandaang ipinagutos ni DepEd Sec. Leonor Briones sa mga eskwelahan na luwagan ang pagsusumite ng maa documentary requirements ng mga enrollees mula sa Marawi City.