Pagpapakamatay umano ng isang OFW sa Saudi, nais paimbestigahan ng isang NGO

 

DSWD Photo

Nais ng human rights group na Blas F. Ople Policy Center na imbestigahan ang sinasabing pagpapakamatay ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jennifer Ross Acuña-Reyes.

Dalawang linggo pa lang na domestic helper si Reyes nang mahulog umano mula sa ika-7 palapag na apartment ng kanyang amo sa Jeddah, Saudi Arabia.

Ani Susan Ople, misteryoso ang pagkamatay ni Reyes dahil magkakaiba ang sinasabi ng mga witness, ng pamilya ni Reyes, at ng kanyang employer.

Sinabi naman ni Charmaine Aviquivil ng Deparment of Foreign Affairs (DFA) Office of Public Diplomacy Executive Director na inimbestigahan na nila ngayon ang pagkamatay ni Reyes.

Sinasabing kahina-hinala ang pagkamatay ni Reyes dahil apat na araw bago ang insidente, nakausap pa niya ang kanyang asawa na si John Paul Reyes, isang trabahador sa hotel, at tila maayos naman ang kalagayan ng babaeng Reyes.

May masangsang na amoy mula sa loob ng apartment ng amo ni Reyes na napansin ang mga tagalinis ng building nang mapadaan sila dito, bago pa nakita ang bangkay nito.

Ayon pa umano sa mga nakakita ng bangkay ni Reyes, kakaunti lamang ang dugo sa paligid ni reyes, na kataka-taka sapagkat mula sa ikapitong palapag nahulog si Reyes at ang kanyang mukha ang unang tumama sa lupa.

Nais din ni Ople na ilagay ng Philippine Overseas Employment Administration at ng Philippine Embassy sa blacklist ang amo ni Reyes.

Samantala, hinihikayat ang recruitment agency ni Reyes na Sphinx Group Manpower Provider, Inc. na magbigay ng assistance sa naiwang pamilya ni Reyes, at tulungan silang makuha ang mga benepisyo nito mula sa kanyang amo.

Nangako naman ang Overseas Workers’ Welfare Administration na ibibigay nila sa pamilya ni Reyes ang mga karagdagang tulong, bukod pa sa kanilang makukuhang death benefits.

Read more...