DSWD mamimigay ng Halal food packs at pera sa mga evacuees sa Marawi City
Umaabot sa P1,000 cash assistance ang ipamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang biktima ng kaguluhan sa Marawi City para tulungan silang makapagdiwang ng Eid al-Fitr o ang end of Ramadan.
Bukod sa tulong pinansyal ay bibigyan din ng mga Halal na pagkain ang bawat pamilya, ayon kay Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo.
Kasama dito ang mga Ramadan food packs na may lamang stir-fried noodles at fruit salad.
Ani Taguiwalo, ang pamimigay ng tulong sa mga pamilyang Muslim ngayong malapit na ang Eid al-fitr ay katulad lamang ng pamimigay ng Christmas food packs sa mga pamilyang biktima ng kalamidad kapag Disyembre.
Ibabahagi ang Ramadan food packs sa Lunes, ang mismong selebrasyon ng Eid al-fitr.
Bibigyan din ng dagdag na P4,000 ang mga pamilya kapag sila ay pinayagan nang bumalik sa Marawi City, pagkatapos ng kaguluhan sa nasabing lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.