Nag-aalok ng libreng text at tawag ang Armed Forces of the Philippines, Department of Information and Communication Techlogy (DICT) at ang Globe Telecoms sa mga residente sa Marawi City.
Ayon kay DICT Secretary Rodolfo Salalima, magsisimula ngayong araw ang libreng text sa lahat ng network at libreng tawag sa mga Globe at TM subscribers at tatagal ang libreng text at tawag ng labinglimang araw.
Sinabi naman ni Maj. Gen. Jose Tanjuan Jr., AFP Deputy Chief of Staff for Communcations, Electronics, and Information Systems na malaking tulong sa kanilang hanay ang libreng text at tawag ng Globe telecoms para makausap ng mga sundalo ang kani-kanilang mga pamilya.
Ayon kay Tanjuan, nakakataas ito ng morale para sa mga sundalo na nakikipagbakbakan sa teroristang grupong Maute sa Marawi City.
Malaki rin daw ang maitutulong nito sa mga sibilyang nananatili pa rin sa Marawi City na may problema sa komunikasyon para makita o makasama ang kanilang pamilya.
Tiniyak naman ni Tanjuan na hindi makakaapekto sa operasyon ng militar laban sa Maute group ang libreng text at tawag ng Globe.
Sinabi naman ni Globe President Ernest Cu na maaring paabutin sa mga evacuation centers sa labas ng Marawi City ang libreng tawag.