Matapos ipagbawal ang end-of-contract (ENDO) noong buwan ng Marso ay umabot sa 60,000 na mga empleyado ang may mga bagong regular status sa kanilang mga pinagta-trabahuhan.
Ayon kay Labor Sec. Sylvestre Bello III, ang paglobo ng bilang ng mga regular na empleyado ay dahil sa pagtiyak nila na kailangang ihinto na ang pagpapatupad ng ilegal na kontraktwalisasyon.
Inaasahang lalaki ang bilang ng mga regular employees kapag naipatupad na ang Department Order no. 174 series of 2017.
Sa ilalim nito, mahigpit na ipagbabawal ang paulit-ulit na pagrerenew ng kontrata ng mga empleyado matapos ang mas mababa pa sa anim na buwang pagtatrabaho.
Umaabot pa sa 900,000 business establishments na kailangang bisitahin ng dole para matiyak kung sila ba ay sumusunod sa nasabing direktiba.
Ayon kay Bello, para maayos ang contractual arrangement ng mga security guard at janitorial services, kailangang ipasawalang-bisa ang ang batas na nagsasaad na maaaring mag-outsource ng security guards at janitors at tanging ang Kongreso lamang ang may kapangyarihang gawin ito.
Dagdag ni Bello, pending pa sa kongreso ang House Bill no. 4444 at 556 na naglalaman ng mga panukala para sa tuluyang pagbabawal sa lahat ng uri ng contractualization.