Mindanao, nahaharap sa humanitarian crisis ayon sa isang grupo
Nahaharap sa matinding humanitarian crisis ang buong Mindanao.
Ito ang pagbubulgar ng National Interfaith Humanitarian Mission, ang grupo na binubuo ng mahigit 300 delegado mula National Capital Region hanggang Mindanao para sa mga internally displaced person mula Marawi City.
Sa isang press conference sa National Council of Churches of the Philippines, sinabi ni Jerome Succor Aba, Chairman ng Suara Bangsamoro na mayroon nang kabuuang 325,284 IDPs sa Mindanao na ang karamihan ay home based at evacuation based sa Lanao Del Sur.
Sinisi ng grupo ang kakulangan sa resolusyon ng gobyerno para wakasan na ang Marawi Seige, pagmamatigas ng AFP sa paggamit ng airstrikes sa kabila ng massive destruction na naidudot nito at palyadong counter-terrorism at counter-insurgency method kaya lumubo ang bilang ng mga IDPs.
Pinuna rin nila ang kakulangan ng suitable infrastructure para maging pansamantalang tuluyan ng mga evacuees, gayundin ang kakulangan sa pasilidad, malinis na tubig at pagkakaroon ng biglaang local inflation dahil hindi makontrol ng gobyerno ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa lugar.
Bukas din sa pangunahing sakit ang mga IDPs.
Sa bayan ng Balo-i na kanilang pinuntahan, kanilang sinabi na karamihan sa mga tao doon ay mayroong sakit sa sakit sa balat, pulmonary tubercolosis, acute gastroenteritis, peptic ulcer, hypertension at Pneumonia.
Umapela naman si Ustad Alimondas laut, isa sa mga biktima ng Marawi Seige na itigil na sana ang airstrike sa Kanilang lugar.
Labis na raw kasi na apektado ang mga inosenteng tao doon at nadadamay din sila.
Ibinida naman ng mission ang kanilang nagawa, kabilang na dito ang pamimigay ng karagdagang relief goods, medical mission at pagsasagawa ng stress de-briefing sa mga biktima ng kaguluhan sa Marawi City.
Nagsimula ang nasabing misyon Hunyo 13 at nagtapos noong Hunyo 15.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.