Isnilon Hapilon, magkakapatid na Maute, nasa Marawi pa

Hindi pa nakakalabas ng Marawi City si Isnilon Hapilon at ang magkakapatid na Maute.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson, B/Gen. Restituto Padilla na batay sa ulat ng ground commander sa Marawi, naroroon pa si Hapilon.

“Ang report ng ating ground commander, nasa area pa din si Isnilon Hapilon ganoon din ang mga miyembro ng magkakapatid na Maute,” ani Padilla.

Sa ngayon sinabi ni Padilla na patuloy ang kanilang operasyon.

Nagiging mabagal aniya ang pagkilos ng mga sundalo dahil kinakailangan ng ibayong pag-iingat sa hinalang nag-iwan ng bomba ang mga Maute sa mga pinagkutaang lugar.

Sa pinakabagong datos ng AFP, nananatili sa 26 ang bilang ng mga sibilyan na nasawi sa Marawi City habang nasa 1,658 naman ang nailigtas.

Nasa 268 naman na miyembro ng Maute ang napatay na at mahigit sa kalahati sa nasabing bilang ang na-recover ng mga sundalo ang katawan.

Habang nasa 67 sundalo na ang nasawi.

Una nang sinabi ng AFP na target nilang tapusin sa lalong madaling panahon ang bakbakan sa Marawi.

Nais umano nila na matapos ang kaguluhan kasabay ng pagtatapos ng Ramadan.

 

 

 

 

 

Read more...