NFA at DSWD magkatulong na naghahanap ng pekeng bigas sa Cebu
Pinaghahahanap na mga otoridad ang mga pekeng bigas na sinasabing ipinamahagi sa bayan ng Sta. Fe sa Bantayan Island, Cebu.
Sabay na nagsasagawa ng imbestigasyon ang National Food Authority at Department of Social Welfare and Development (DSWD), matapos makatanggap ng mga report na may mga nagkasakit matapos kainin ang mga sinasabing pekeng bigas.
Ayon sa mga report, ang mga pekeng bigas diumano ay nakuha ng mga residente ng Sta. Fe mula sa 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno.
Iginiit ni Leah Quintana, information officer ng DSWD sa Central Visayas na hindi sila namigay ng NFA rice sa mga benepisyaryo ng 4P’s sa bayan ng Sta. Fe.
Nilinaw ni Quintana na nang mamigay ang DSWD ng cash assistance para sa 4P’s, namigay din sila ng dagdag na P600 bilang rice allowance.
Ayon naman kay Olma Bayno, information officer ng NFA Central Office, nalaman lang nila ang tungkol sa pagkakaroon ng pekeng bigas mula sa mga reporter.
Hinimok ni Bayno ang mga residente ng Sta. Fe na magpunta sa NFA office at magdala ng sinasabing pekeng bigas para maisailalim sa eksaminasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.