Imbestigasyon sa ‘downgrading’ ng DOJ sa murder case ng mga pulis sa Espinosa killing suportado sa Senado

 

Suportado ni Sen. Panfilo Lacson ang hakbang ng minorya sa Senado na paimbestigahan ang nangyaring pagdowngrade sa kaso ng mga pulis na isinasangkot sa pagpatay kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Nauna nang ipinahiwatig ng minority bloc ang pagsisiyasat sa ginawang downgrading ng DOJ sa kasong murder laban sa mga pulis ng CIDG Region 8.

Nadismaya ang mga mambabatas sa aksyon ng DOJ na ibaba sa homicide ang kasong murder laban sa mga pulis sa pangunguna ni Supt. Marvin Marcos.

Giit ng senador, kanyang paninindigan ang rekomendasyon ng senate committee on public order and dangerous drugs na kasong murder ang dapat na ihain laban sa mga pulis.

Ipinaalala ni Lacson na ang rekomendasyon ay ‘unanimous’ o magkakaisang inaprubahan ng mga miyembro ng senado.

Nais ng minority bloc na pangunahan ng senate committee on justice ang pagsisiyasat sa naging aksyon ng DOJ.

Samantala, tinawag na ‘flip-flop king ‘ni Sen. Risa Hontiveros si Aguirre matapos umano ang pagbaligtad nito sa naunang rekomendasyon sa kaso ng pagpatay Mayor Rolando Espinosa.

Paliwanag ni Hontiveros, nauna ng nagpalabas ng reso ang DOJ noong March ngayon taon kung saan sinusuportahan nito ang ginawang imbestigasyon ng senado at NBI na malinaw na murder ang kaso sa pagpatay kay Mayor Espinosa.

Dahil dito, balak ni Hontiveros na ipatawag si Aguirre sa senado upang magpaliwanag bakit ibinaba ang kaso laban sa mga pulis.

Read more...