DA gustong magkaroon ng regulatory powers para mabantayan ang imported rice
Pinag-aaralan na ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol na hingin ang pahintulot ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapayagan ang ahensya na magkaroon ng kontrol sa mga imported na bigas.
Ito ay kasunod ng mga kumakalat na balita sa social media kaugnay sa pekeng bigas o plastic rice.
Ayon kay Piñol, may kapangyarihan ang DA sa pag-isyu ng sanitary certification sa mga ibinebentang bigas pero hindi nila ito nagagamit sa mga imported rice.
Kung mabibigyang go signal umano siya ng pangulo, hihilingin nila sa National Food Authority na mapayagan ang kanilang inspectors na suriin ang mga imported na bigas mula Thailand o Vietnam.
Tiniyak naman ni Piñol na iimbestigahan ng DA ang mga balita hinggil sa nabibiling pekeng bigas.
Sa ngayon, wala pa aniyang pormal na reklamo na natatanggap ang kagarawan o ang NFA kaugnay dito.
Hinikayat naman ni Piñol ang publiko na direktang ireport sa kanila o sa NFA kung may nabiling pekeng bigas sa mga palengke.
Sa ngayon kasi ay puro video sa Facebook ang kanilang nakikita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.