Joint maritime patrols, sinimulan na ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia
Opisyal nang sinimulan ang joint patrols ng puwersa ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia sa mga karagatang nasasakupan ng tatlong bansa upang mapalakas ang maritime security.
Nitong Lunes, nagsimula nang magsagawa ng mga maritime maneuvers ang mga sasakyang pandagat ng tatlong bansa malapit sa isang naval base sa North Borneo sa Indonesia upang makita ang koordinasyon ng mga ito.
Ayon kay Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, layunin ng joint maritime patrols na mapigilan ang pagdami pa ng mga insidente ng kidnapping at piracy ng mga bandidong grupo sa karagatan sa timog na bahagi ng Mindanao.
Umaasa rin ang AFP na mapipigilan rin nito ang paglilipat-lipat ng mga mga grupo at indibidwal na nais na tumakas at magtago sa batas.
Tututukan rin ng mga joint maritime patrol ang pagpigil sa mga terorista na nais na pumasok sa Pilipinas upang suportahan ang panggugulo ng mga Maute group sa Marawi City.
Matatandaang noong nakaraang taon, nabuo ang kasunduan sa pagitan ng Malaysia, Indonesia at Pilipinas na maglunsad ng joint maritime patrols at magpalitan ng impormasyon matapos ang serye ng pangingidnap sa karagatan na pinasimunuan ng Abu Sayyaf Group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.