Mga pulis na sangkot sa Mayor Espinosa killing, nakalabas na ng piitan

 

Inquirer file photo

Laya nang muli ang labingsiyam na pulis na sangkot sa pagkamatay ni Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr.

Ito’y matapos na lumabas ng Leyte subprovincial jail sa Baybay City noong Sabado ang mga pulis sa pangunguna ni Supt. Marvin Marcos na dalawang buwan na nadetine sa naturang piitan dahil sa naturang insidente.

Nakalaya ang mga pulis na mga tauhan ng CIDG Region-8 sa bisa ng pyansa makaraang ibaba ang mga kasong murder na kinakaharap ng mga ito sa homicide, na isang bailable offense.

Mismong si Judge Carlos Arguelles ng Branch 14 ng Baybay City Regional Trial Court ang lumagda sa release order para sa pansamantalang kalayaan ng 18 pulis.

Nagawang makapagbayad ng tig-P40,000 na pyansa ang mga pulis para sa dalawang kaso ng homicide kaya’t napalaya ang mga ito.

Matatandaang naging kontrobersyal ang kaso ng mga pulis makaraang pasukin ng mga ito sa bisa umano ng search warrant ang selda ni Mayor Espinosa Sr., sa subprovincial jail sa Baybay City noong Nobyembre 5, 2016 na naakusahang sangkot sa droga.

Gayunman, nabaril umano ng mga pulis ang alkalde at isa pang bilanggo nang manlaban umano ito, na mariing itinanggi ng ilang saksi.

Naging kontrobersyal lalo ang kaso nang misteryosong mawala ang hard drive na naglalaman ng cctv footage sa loob ng selda.

Nang imbestigahan ng Senado, lumitaw na ‘pre-meditated’ ang naturang insidente kaya’t inirekomenda ang pagsasampa ng kasong murder sa mga ito.

Read more...