Kinumpirma ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na namatay na si Bishop Leopoldo Tumulak na siyang Military Ordinariate of the Philippines sa edad na 72.
Si Bishop Tumulak ay namatay kaninang 1:26 ng tanghali sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City dahil sa sakit na pancreatic cancer.
Simula noong 2016 ay naging madalas na ang pagbisita ng nasabing lider ng simbahan sa naturang ospital ayon pa sa CBCP.
Bago ang kanyang pagkakahirang sa Military Ordinariate na binubuo ng 130 mga pari noong 2005, si Bishop Tumulak ay naging pinuno rin ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ng CBCP ng ilang taon.
Dito siya minahal ng ilang mga preso dahil sa kanyang mahusay na paggabay sa mga ito ayon sa pahayag ng CBCP.
Ipinanganak sina noong Nov. 29, 1944 sa bayan ng Santander, Cebu at na-ordinahan bilang ganap na pari noong March 1972.