Wasak ang kanang bahagi (starboard) ng USS Fitzgerald na isang Navy Destroyer ng U.S makaraang mabangga ng isang Philippine-registered na merchant vessel sa Timog-Silangang bahagi ng Yokosuka, Japan.
Sa ulat ng U.S Navy, marami rin umano sa kanilang mga crew ang nasaktan sa nasabing banggaan sa karagatan at kanilang ring sinabi na pinasok ng tubig ang loob ng nasabing war ship.
Sa ulat ng Japanese Coast Guard, sinasabing nasira rin ang radar system ng nasabing barko sa lakas ng pagkakabangga.
Hindi na makaandar at pinasok ng tubig ang kanang bahagi ng USS Fitzgerald.
Samantala, wala naman silang inilabas na ulat pati na rin ang detalye sa kalagayan ng barkong mula sa Pilipinas liban na lamang sa ulat na ito ay isang uri ng container ship.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine Coast Guard sa kanilang mga counterparts sa Japan para sa mga dagdag na impormasyon sa nasabing insidente.
Ang karagatang sakop ng Yokosuka kung saan naganap ang banggaan ng dalawang barko ay isang busy commercial waterway na dinadaanan ng mga merchant vessels papunta sa Tokyo at Yokohama.