Iginagalang ng McCann WorldGroup ang pasya ng Department of Tourism na tuldukan na ang kontrata nito sa kanila sa gitna ng kontrobersyal na video advertisement ng kagawaran na kahalintulad ng ginamit sa South Africa noong 2014.
Ito ay sa kabila ng panghihinayang ng ahensya sa desisyong ito ng DOT.
Gayunman, wala pa silang natatanggap na pormal na pahayag mula sa kagawaran kaugnay dito.
Sinabi ng McCann na pinag-aaralan pa nila kung paano lulutasin ang usapin.
Sa kabila nito, nagpasalamat ang McCann sa DOT sa oportunidad na pagsilbihan ito, at sinusuportahan pa rin ng ad agency ang kagawaran sa mga hakbang nito sa hinaharap.
Matatandaang nanawagan sa McCann ng public apology ang DOT para sa kontrobersyal na ‘Sights’ video advertisement na binatikos ng publiko dahil sa pagiging ‘copycat’ sa tourism advertisement ng South Africa.
Binuran na rin ng DOT sa Youtube ang inupload nilang kopya ng tourism ad.
Naghahanap na ang DOT ng producer para sa bagong ad campaign na naayon sa slogan na ‘It’s more fun in the Philippines.’
Hinikayat ng kagawaran ang mga may bago at orihinal na ideya na magpapakita ng tourist destinations sa bansa at ng pagiging magiliw ng mga Pilipino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.