3 hinihinalang carnapper, patay sa engkwentro sa Novaliches, Quezon City

By Cyrille Cupino June 16, 2017 - 08:45 AM

Kuha ni Cyrille Cupino

Patay ang tatlong lalaking hinihinalang mga carnapper matapos maka-engkwentro ng mga pulis sa Engineering Rd., corner Accountant Rd., Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City.

Ayon sa Quezon City Police District, nagsagawa ng Oplan Sita ang kanilang mga tauhan nang makita ang tatlong lalaking sakay ng isang motorsiklo.

Dahil pawang walang mga suot na helmet ang mga lalaki at walang plaka ang sinasakyang motorsiklo ng mga ito, sinubukan silang parahin ng mga pulis, pero hindi sila huminto.

Sa halip, umarangkada pa ang motorsiklo, nagkahabulan, at humantong sa madilim na bahagi ng kalsada kung saan pinaputukan ng mga suspect ang mga pulis.

Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang apat na pulis at napatay ang mga suspect na mga hinihinalang miyembro ng notoryus carnapping group.

Basag ang salamin sa driver’s seat ng police mobile, pero masuwerte namang walang tinamaan sa panig ng pulisya.

Nakuha sa mga suspect ang isang caliber .38 na revolver at dalawang pistola.

Nagtugma rin ang sinasakyang motorsiklo ng mga ito sa isa sa mga nasa listahan ng mga carnap na motorsiklo sa Quezon City.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng QCPD sa naturang insidente.

 

 

 

 

 

 

 

TAGS: carnap, police, quezon city, Shooting Incident, carnap, police, quezon city, Shooting Incident

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.