Arestadong ina ng Maute brothers, dating Marawi mayor at 9 iba pa, inilipat sa Camp Bagong Diwa
Nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa, Taguig si Ominta Romato Maute alyas “Farhana”, ang ina ng magkapatid na Abdullah at Omar Maute na pasimuno ng kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, nakakulong si Farhana sa Special Intensive Care Area.
Bukod kay Farhana, nasa Camp Bagong Diwa rin si Dating Marawi City Mayor Fahad Salic at ang siyam na iba pa na kinasuhan ng rebelyon dahil sa gulo sa Marawi City.
Napag-alaman na noon pang Lunes, June 12, 2017, ibiniyahe patungong Camp Bagong Diwa ang labing isang akusado mula sa Cagayan de Oro City matapos silang maisalang sa inquest proceedings.
Nauna nang inilipat sa Camp Bagong Diwa ang ama ng magkapatid na Maute na si Cayamora.
Matatandaang kasama sa mga hiniling ni Aguirre sa Korte Suprema na italaga ang SICA sa Camp Bagong Diwa para pagpiitan ng mga mahuhuling myembro ng Maute dahil ang pasilidad ay malapit lamang sa Taguig Regional Trial Court na hiniling din ng DOJ na pagdausan ng mga paglilitis sa mga kasong may kinalaman sa gulo sa Marawi City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.