Safety inspection ng MRT 3, posibleng mapaikli – DOTr
Posibleng mapaaga ang pagbabalik sa normal ng operasyon ng MRT3 makaraang isailalim sa safety inspection ang mga tren nito.
Una nang nag-abiso ng pamunuan ng MRT3 na ibaba sa 15 mula sa 19 ang tren na bumibiyahe sa linya at ang bilis sa 20 kilometer per hour mula 40 kilometer per hour para magbigay-daan sa inspeksyon ng axle ng mga problemadong tren.
Katunayan, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Cesar Chavez na dinadagdagan na ang deployment ng tren ngayong araw sa 17 na mula sa 15 kahapon.
Sinabi naman ni MRT 3 Director for Operations Deo Leo Manalo na estimate lang naman ang apat na araw na safety inspection sa mga tren at ginagawa nila ang lahat para makumpleto ito nang mas maaga.
Sinabi pa ni Chavez na iaanunsyo nila mamayang gabi kung pwede nang ibalik sa normal ang biyahe ng MRT3 umpisa bukas.
Tiniyak naman ni Chavez na nananatiling ligtas na sumakay sa MRT3.
Samantala, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra na nagtutulungan sila ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at DOTr para maibsan ang epekto ng bawas biyahe kabilang ang pagde-deploy ng mas maraming bus para sa mga apektadong pasahero ng MRT.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.