Niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang Guatemala.
Ang epicenter ng lindol ay naitala sa isang daan limampu’t anim na kilometro sa kanluran ng Guatemala City.
Nagdulot ito ng blackout at pagkasira ng mga struktura.
Ayon sa National Coordinator for Risk Reduction ng Guatemala, naramdaman ang pagyanig sa malaking bahagi ng bansa at maging sa katabing bansang Mexico.
Limang tao ang nasawi, kung saan isa rito ay namatay matapos matabunan ng tumumbang pader.
Isang lalaki naman ang natamaan ng tumumbang bahagi ng simbahan, habang ang tatlo ay namatay matapos atakehin sa puso sa kasagsagan ng lindol.
Samantala, labingisang tao ang sugatan sa Chiapas, Mexico, at napinsala ang dalawampung bahay at limang paaralan, ayon sa mga opisyal.
Ayon sa tagapagsalita ng institute of seismology na si Julio Sanchez, sinundan ng magnitude 5.6 na aftershock ang lindol makalipas ang ilang minuto.
Nagpahatid naman ng pakikiramay si Guatemala President Jimmy Morales sa mga nasawi.