Ang isyu ng citizenship ang posibleng mas maging problema ni Senator Grace Poe kaysa sa isyu ng residency. Sa panayam ng Radyo Inquirer ito ang sinabi ni dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes.
Ayon kay Brillantes, mahina ang residency isyu na ipinupukol ng United Nationalist Alliance (UNA) kay Poe.Nagdesisyon na kasi aniya noon ang Korte Suprema kung saan sinasabing ang “domicile” ang tunay na batayan ng residency o ang intensyon ng isang indbidwal na manirahan sa isang bansa.
Pero sa usapin ng citizenship, ay magkakaroon aniya ng kuwestyon lalo pa at hindi tukoy kung ang biological parents ni Poe ay Filipino.
“Ang isyu ng residency na-define na iyan ng SC, ang pinagbabatayan ay ang domicile. palagay ko hindi isyung malaki ang residency. Tingin ko ang mas magiging isyu ay citizenship Kasi para masabing Pinoy ka, dapat ang isa sa magulang mo ay Filipino, dapat madetermine kung ang biological parents niya ay Pinoy talaga,” ayon kay Brillantes.
Paliwanag ni Brillantes, binitawan ni Poe ang kaniyang Filipino Citizenship ng siya ay maging citizen sa Amerika, at binitawan naman niya ang American Citizenship niya pagbalik niya ng pilipinas noong 2010 nang siya ay maitalaga sa MTRCB.
Sinabi din ni Brillantes na noong maibalik ni Poe ang kaniyang pagiging citizen ng Pilipinas ay nagbalik din ang kaniyang pagiging Natural Born Filipino dahil sa Jaro, Iloilo siya ipinanganak.
Ayon kay Brillantes, kung siya ang tatanungin, kapag maghahain si Poe ng kaniyang Certificate of Candidacy (COC) sa October 2015, dapat ang isulat niya sa tagal ng paninirahan sa Pilipinas ay “since birth”.
Sa huli sinabi ni Brillantes, na nasa UNA ang “burden of proof” dahil sila ang nag-aakusang kulang sa residency requirement si Poe.Tinanggap na aniya ng tao na si Poe ay isang Natural Born Filipino nang siya siya ay inihalal bilang Senador./ Dona Dominguez-Cargullo