Ginang na 22 araw naipit sa bakbakan sa Marawi, nailigtas ng mga sundalo
Isang ginang ang naipit sa bakbakan ng militar at Maute group sa loob ng 22-araw sa Marawi City.
Nasagip ng scout rangers si Geraldine na sa kabila ng mga tinamong tama ng shrapnel sa katawan ay nakaligtas sa bakbakan.
Sa loob ng 22-araw, nanatili si Geraldine sa loob ng kaniyang bahay na ang kinatatayuan ay nasa gitna mismo ng mga kalaban at mga sundalo.
Ilang beses ding tinamaan ng airstrike ang mga gusali na malapit sa kaniyang bahay at kita sa mga gamit at pader ng bahay ang mga tama ng bala.
Lugaw, softdrinks, wafer at tubig ang kinain at ininom niya sa mga panahong nananatili siya sa loob ng kaniyang bahay at hindi makalabas.
Para makuha si Geraldine mula sa loob ng kaniyang bahay ay pinilit ng mga sundalo na mailapit dito ang gamit nilang tangke.
Hinang-hina na ang ginang nang makita ng mga sundalo. Agad siyang isinakay sa tangke para malapatan ng lunas at maibalik sa kaniyang mister na ilang araw nang nag-aalala sa kaniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.