Bumibiyaheng tren ng MRT, babawasan at babagalan ang takbo

 

Asahan na ang mas mahaba pang pila sa mga istasyon ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3), dahil babawasan ng pamunuan ang mga patatakbuhing tren sa susunod na apat na araw.

Ayon kay MRT-3 director for operations Deo Manalo, gagawin nila ito upang magbigay daan sa mas masinsin na inspeksyon sa mga tren.

Mula sa dating pangkaraniwan na 20 tren, gagawin na lamang 15 tren ang patatakbuhin ng MRT-3.

Bukod sa pagbabawas ng patatakbuhing mga tren, babawasan rin ang bilis nito sa 20 kph mula sa dating 40 kph.

Paliwanag ni Manalo, kailangang inspeksyuning maigi ang mga tren, matapos maglabas ng kakaibang tunog ang isa sa mga tren at gumewang-gewang noong pasado alas-7:00 ng gabi noong Martes.

Base sa kanilang inisyal na inspeksyon, lumalabas na nasira pala ang axle ng bogie system o iyong kinakapitan ng gulong.

Gayunman, iginiit ni Manalo na masyado pang maaga para tukuyin kung isyung mekanikal ba ang dahilan nito, sa maintenance o sa design.

Humihingi naman ng pang-unawa at mas mahaba pang pasensya si Manalo sa mga pasahero, lalo na’t mas tatagal pa ang kanilang biyahe ngayon.

Babalik aniya sa normal ang operasyon kung matatapos ng maintenance provider na Busan Universal Rail Inc. ang kanilang inspeksyon bago mag-Lunes.

Read more...