AFP, nangakong hindi na bobombahin ang mga mosque

 

Hindi na pasasabugan ng bomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga mosque na ginagawang taguan ng mga miyembro ng Maute at Abu Sayyaf Group sa Marawi City.

Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, nangako si AFP chief Gen. Eduardo Año na hindi na nila bobombahin ang mga mosque.

Gayunman, nananawagan naman aniya sila sa mga religious leaders na huwag hayaang gawing kuta ng mga terorista ang mga sambahan tulad ng mosque.

Una nang sinabi ni Army 1st Infantry Division spokesperson Lt. Col. Jo-ar Herrera na ginagamit ng Maute at Abu Sayyaf ang mga mosque bilang taguan ng kanilang mga armas at pwesto ng mga sniper.

Ito ang naging dahilan kung bakit ikinonsidera noon ng AFP ang pambobomba sa mga mosque.

Ngunit ngayon, nilinaw ng AFP na iginagalang nila ang mga lugar na sinasambahan at iba pang mga cultural o heritage sites kaya gagawin nila ang lahat para ma-preserba ang mga ito.

Read more...