Drug trade sa Bilibid buhay na naman ayon sa DOJ
Inamin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na unti-unti na namang nabubuhay ang drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ang pag-amin ay ginawa ni Aguirre sa pagdalo nito sa 15th anniversary ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City.
Ayon kay Aguirre, matagumpay nilang napigilan ang operasyon ng droga sa NBP sa nakalipas na halos isang taon pero may ang mga natatanggap niyang bagong mga balita mula sa Bilibid.
Hindi aniya maiiwasan na matukso ang ilan sa mga jail guards dahil malaking pera ang pinagagalaw ng mga drug personalities sa bilangguan.
Base sa nakuha niyang impormasyon, maliban sa mga dating personalidad, meron din siyang narinig na mga bagong pangalan na umeeksena rin sa drug trade sa NBP.
Para maiwasan ito, dapat pinapalitan ang mga jail guards kada tatlo o anim na buwan para maiwasan na maging pamilyar ito sa mga preso.
Sabi ni Aguirre, ang plano sana ay palitan ng mga miyembro ng Philippine Marines ang mga Special Action Force (SAF) na kasalukuyang nagbabantay sa NBP.
Gayunman, sinabi ni Aguirre na dahil aniya sa abala ngayon ang Marines sa Marawi City kaya malamang na bagong batch na lamang ng SAF ang ipapalit nila sa mga mga kasalukuyang mga jail guards sa Bilibid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.