Security team ng RWM at mga opisyal ng BFP nakatikim ng sermon sa Kamara

Photo: Erwin Aguilon

Ginisa sa pagpapatuloy na pagdinig ng Kamara ang CCTV Surveillance Team ng Resorts World Manila at NC Lanting Security Agency dahil sa mga nakitang lapses sa security nito.

Sa ikalawang pagdinig ng House Committees on Tourism, Games and Amusement at Public Order and Safety, sinabon ang mga ito ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas dahil sa kawalan ng koordinasyon.

Sinabi ng mambabatas na nailigtas sana ang mga na-trap sa second floor noong oras na pumasok na sa kwarto sa 5th floor ang gunman kung nagkaroon ang mga ito ng koordinasyon.

Sinermonan din ni Fariñas ang NC Lanting Security Agency dahil sa 64 na mga tauhan nito na nakakalat sa RWM ay walang mga dalang baril ang kanilang mga guwardya dahilan kaya walang nagawa ang mga ito ng magpaputok at magsunog sa casino ang gunman na si Jessie Carlos.

Hindi rin kumbinsido ang mambabatas na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga security at ni Carlos.

Sa ipinalabas na 20-minute video na kuha noong June 2 ng madaling araw, napuna din ng mga kongresista na hanggang sa walang ng videos ang mga cctvs ng bandang 12:30am ay hindi pa rin gumagana ang sprinkler system.

Nakita din sa video na 12:15 ng madaling araw ng June 2 ng pasukin ni Carlos ang RWM at ang sunud-sunod na putok ng baril na naririnig sa loob ng casino ay dahil sa inilagay na mga ammunitions ng gunman sa nasusunog na gaming table.

Humarap din sa pagdinig ang lady guard na humarang noong una kay Carlos na si Mary Grace Rayala at inilahad kung paano nakalusot sa security ang gunman.

Samantala, sinabon ni Farinas si Bureau of Fire Chief Bobby Baruelo matapos itong mabigong dumalo sa unang araw ng congressional inquiry kaugnay sa RWM attack.

Paliwanag ni Baruelo, nasa lungsod siya ng Davao upang magsagawa ng inspection sa training ng kanilang mga tauhan at nagpadala naman daw siya ng kanyang mga opisyal na mas maalam sa unang nagtungo sa RW noong nangyari ang pag atake.

Sinabi ni Farinas na tila daw ba na mali na si Baruelo ang fire chief dahil sa pahayag nito na mas may alam sa kanya ang mga tauhan nito.

Noong Miyerkules, nagpalabas ng show cause order ang komite sa kamara na nag iimbestiga sa insidente laban kay Baruelo upang ipaliwanag hindi kung bakit hindi sya dapat i-cite for contempt sa hindi nito pagsipot sa pagdinig.

Read more...