Petitioners at OSG muling nagharap sa Korte Suprema kaugnay sa kinukwestyong martial law declaration
Sinimulan na ang ikalawang araw ng oral arguments sa mga petisyon laban sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao bunsod ng gulo sa Marawi City.
Muling humarap ang mga petitioners na si Albay Representative Edcel Lagman at mga abogadong sina Ephraim Cortez at Marlon Manuel para depensahan ang kanilang posisyon na dapat inullify o ideklarang unconstitutional ang batas militar.
Sa kabilang panig ay si Solicitor General Jose Calida naman ang maglalatag ng argumento laban sa petisyon.
Kahapon sa unang araw ng oral arguments ay naghain si Calida ng mosyong na hinihiling na ibasura ang mga petisyon laban sa deklarasyon ng pangulo.
Iginiit ng petitioners na walang basehan ang martial law dahil walang rebelyon o invasion sa nagaganap na bakbakan ng tropa ng gobyerno at mga teroristang Maute at Abu Sayyaf Group sa Marawi City.
Sinabi pa ni Lagman na gumanti lang ang Maute at ASG dahil sa paglusob ng militar nang gawin ang operasyon laban kay Isnilon Hapilon.
Pero sagot ng gobyerno, malinaw na rebelyon ang ginawa ng mga armadong grupo at marami na ang namatay na mga sundalo, pulis at sibilyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.