Nasungkit ng Kidapawan City ang titulo sa Guinness Book of World Record para sa pinakamaraming bilang ng nakilahok sa pagsasayaw ng cha-cha.
Umabot sa 14, 275 ang participants sa pagsasayaw na karamihan ay mga estudyante mula sa elementarya, high school, at college, kasama ang mga opisyal ng barangay, government employees, at senior citizens.
Isinagawa ang pagsasayaw noong Agosto ng nakaraang taon, at ngayong araw, kinumpirma ng pamunuan ng Guinness sa pamamagitan ng isang email at pag-post sa kanilang website na nakuha ng Kidapawan ang record para sa largest cha-cha dance.
Ayon kay Joey Recimilla, City Tourism and Promotion Officer ng lungsod, tinalo nila ang record ng Edgefield Primary School sa Singapore, na mayroon lamang 3, 379 participants.
Tatlong professional dancers ang ipinadala noon ng Guinness sa Kidapawan para saksihan ang pagsasayaw.
Pinasalamatan naman ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang mga nakilahok sa aktibidad na naging dahilan para masungkit nila ang titulo.