Ipinaliwanag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dahilan kung bakit nila tina-target sa airstrikes ang mga mosque sa Marawi City.
Ayon kay 1st Army Infantry Division spokesperson Lt. Col. Jo-ar Herrera, sa kabila ng pagiging sagrado, ginagamit ng mga terorista ang mga mosque bilang kanilang kuta.
Ginagawa aniyang logistical hub at pinagpu-pwestuhan ng mga snipers ng mga miyembro ng Maute Group ang mga mosque.
Dahil dito, iginiit ni Herrera na hangga’t ginagamit na kuta ng mga terorista ang mga mosque, patuloy nila itong pupuntiryahin upang mas makaligtas ng buhay at maprotektahan ang mga sundalo.
Samantala, sinabi rin ni Herrera na hanggang kahapon, June 13, ay nasa loob pa rin ng Marawi sina Omar at Abdullah Maute, pati na ang lider ng Abu Sayyaf na Isnilon Hapilon.
Gayunman, ilang sources ang nagsabi na si Abdullah Maute ngayon ang pinakamataas na lider na namumuno sa mga militante sa Marawi ngayon dahil wala si Hapilon.
Ayon pa sa kanila, tuwing umaga ay nag-iikot si Abdullah sakay ang ng pickup truck para hikayatin pa lalo ang kanilang pwersa na ipagpatuloy ang laban.