Ad agency na gumawa ng “Experience the Philippines” nagpaliwanag na
Dinepensahan ng advertising agency na McCann Worldgroup Philippines ang Department of Tourism sa kinakaharap na isyu ng kanilang bagong tourism campaign.
Ang McCann Worldgroup Philippines ang nakatuwang ng DOT sa paglikha sa bagong tourism campaign na “Experience the Philippines”.
Nahaharap ngayon ang bagong commercial ng DOT sa isyu ng panggagaya umano sa tourism campaign ng South Africa.
Ayon sa ad agency, wala silang intensyon na gayahin o kopyahin ang advertisement ng South Africa at ang tourism campaign anila ng DOT at batay sa totoong karanasan ng Japanese retiree na si M. Uchimura na itinampok sa istorya.
Hindi anila tama na akusahan ang DOT ng plagiarism dahil ibinatay lamang nila ang kanilang ginawang ad campaign sa ikinuwento ni Uchimura.
Nakatanggap ng kritisismo mula sa netizens ang bagong ad campaign ng DOT dahil sa umano’y panggagaya sa tourism video ng South Africa kung saan tampok din ang isang bulag.
Ayon pa sa McCann, handa silang akuin ang anumang reponsibilidad dahil ang mga ideya at storyboards sa naturang tourism campaign ng DOT ay galing at binuo ng kanilang kumpanya.
Pero iginiit ng ad agency na wala silang ginaya o kinopya na produkto ng ibang kumpanya o bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.