Ayon kay Tourism Assistant Secretary Frederick Alegre, iba ang bagong tourism ad campaign ng Pilipinas dahil batay ito sa totoong buhay.
Paliwanag ni Alegre, mula sa true story ng isang retiradong Japanese na kasalukuyang nakatira sa bansa ang mapapanod sa DOT advertisement.
Paglilinaw ito ng ahensya matapos punahin ng mga netizens ang tila pagkakahawig umano ng ‘Experience the Philippines’ ad sa tourism ad ng South Africa.
Kasabay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan ay inilunsdad ng DOT ang isang minutong video ad na may titulong “sights” kung saan makikita ang bulag na Japanese tourist na pumupunta sa iba’t ibang bahagi ng para maranasan ang mainit na pagtanggap at pakikitungo ng mga Pilipino.
Sinabi ng Japanese na hindi kailangang makakita para maranasan ang saya sa Pilipinas at maramdaman ang kaligtasan kasama ang mga Pinoy.
Pero sinabi ng ilang netizens na ito ay eksaktong kopya ng ‘Meet South Africa’ na inilabas noong nakaraang taon.
Isang dayuhan din kasi na visually impaired ang tampok sa nasabing tourism ad ng South Africa.