WATCH: Labi ng 5 Marines na nasawi sa Marawi City, naiuwi na sa kanilang pamilya
Naiuwi na sa kani-kanilang pamilya ang mga labi ng lima sa sampung miyembro ng Philippine Marines na nasawi sa bakbakan sa Marawi City.
Pasado hatinggabi ng Martes nang ilabas mula sa Acero Hall ng Headquarters ng Marines sa Fort Bonifacio, Taguig ang mga labi nina Corporal John Romulo Garcia, Staff Sergeant Joven Triston, Corporal Rolan Sumagpang, Sgt. Simon Plares, at Private Bernie Jhon Lunas.
Apat na nasawing sundalo na lamang ang nakaburol sa Acero Hall, kabilang sina 1st Lt. Raymond Abad, PFC Gener Tinangag, PFC Marvin Russel Gomez, at PFC Eddie Cardona, Jr.
Samantala, hiniling naman ng pamilya ni 1st Lt. John Frederick Savellano na magkaroon ng pribadong burol sa kalapit lamang na memorial chapel sa loob rin ng kampo.
Si Savellano ang Platoon Commander ng mga tropang naka-diskubre ng 79 million pesos na halaga ng cash at tseke na naiwan ng Maute group.
Inaasahang ngayong araw, mai-uuwi na rin sa kani-kanilang mga pamilya sa mga probinsya ang labi ng ilan pang mga nasawing sundalo.
Matatandaang 13 miyembro ng Marines ang nasawi sa karahasan sa Marawi City, kung saan 10 ang dinala sa Maynila, habang 3 naman ang direktang ini-uwi sa kanilang mga pamilya sa Mindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.