Ayon kay Eastern Mindanao Command Maj. Ezra Balagtey, isang kaanak ang kumumpirma sa pagkakakilanlan ng nasawing rebelde na kinilalang si John Paul Cabase alyas Joshua.
Si Cabase ang bukod-tanging nasawi sa panig ng NPA sa pakikipagbakbakan nila sa mga tauhan ng 15th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Sitio Bajada, Brgy. Paradise Embac sa Paquibato district noong Linggo.
Ilang mga hindi nagpakilalang tao ang nag-turnover sa bangkay ni Cabase sa kapitan ng Brgy. Paradise Embac, at isang kaanak ang tumungo doon para kilalanin at kunin ito.
Samantala, dalawa namang sundalo ang nasawi sa naturang bakbakan, habang anim na iba pa ang sugatan at ngayon ay ginagamot sa isang ospital.
Kinondena naman ni Joint Task Force Haribon commander Maj. Gen. Noel Clement ang ginagawa ng mga rebelde na pagsasabak sa mga menor de edad sa sagupaan.
Taliwas aniya ito sa umano’y paninindigan nilang sila ay mga taga-protekta ng karapatang pantao.
Dahil dito, hinamon niya ang NPA na lubayan ang mga kabataan at hayaan ang mga ito na mag-aral sa halip na isabak sa terorismo.