Duterte, nais magtayo ng rebolusyonaryong pamahalaan

Inquirer file photo

Sakaling maging presidente, nais ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na mag-tayo ng rebolusyonaryong pamahalaan na magbibigay daan sa pederalismo sa bansa.

Bagaman wala pa rin siyang opisyal na deklarasyon sa pagtakbo sa susunod na halalan, para kay Duterte, ang ganitong uri ng pamahalaan ang tanging paraan para masugpo ang kriminalidad, mabigyang katapusan na ang kurapsyon at masolusyunan ang problema sa Bangsamoro.

Ang panawagan para sa pagkakaroon ng rebolusyonaryong gobyerno ang nananatiling pinakamalapit na pahiwatig ng alkalde ukol sa pagtakbo sa 2016 elections dahil hanggang sa ngayon, wala pa rin siyang desisyon dito.

Ayon kay Duterte, kung gusto talaga ng mga tao na umupo siya bilang pinuno ng bansa, kailangan nilang tanggapin ang kaniyang pagtatayo ng ganitong klase ng pamamahala at sinisiguro niyang kapag ito ang nangyari, hindi niya susundin ang mga tradisyonal na patakaran sa layong ayusin ang sistema ng gobyerno.

Nais rin niyang baguhin ang mga militar at kapulisan sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga heneral at mga opisyal na mag-bitiw sa pwesto.

Kasama rin sa mga plano niya sakaling maupo siya sa puwesto ay ang pagpapataas sa sahod at benepisyo ng mga guro at ang pagpapasara ng Kongreso para gamitin ang pera para mas mahikayat ang mga empleyado ng gobyerno na magtrabaho ng maayos.

Naniniwala siyang ang katulad lamang ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang tanging makapagbabago ng sistema, pero sinundan niya rin ang pahayag na ito ng pagpapaalaala na maging si dating Pangulong Cory Aquino ay kinailangan din na isara ang Kongreso noon.

Sa kabila ng pahayag na iyon, sinabi niyang hindi naman niya kailangang maging tulad ni Marcos na nagdeklara ng martial law at sinuspende ang 1935 Constitution, at pwede namang sundan ang yapak ni Cory na nagtayo ng rebolusyonaryong pamahalaan.

Naisip na rin ni Duterte ang gagawin niya sa kanyang ikalawang taon bilang presidente sakaling siya ay mahalal, at ito ay ang magpatawag ng consitutional convention o Con-Con para mapalitan ang konstitusyon, pero siniguro niyang walang kompromisong magaganap kung ito ay matagumpay na maganap.

Wala aniya siyang balak maging diktador, sa katunayan ay nang tanungin siya kung ipapasara niya rin ba ang mga media outfits, sinagot niya ito ng “Of course not. It’s up to you to report whatever you see.”

Dagdag pa ni Duterte, hangga’t hindi naipapatupad ang sistemang iminumungkahi niya, ang mga mayayaman at matatagal na sa pwesto kasama ang kanilang mga asawa ay mananatili sa pwesto.

Sa kabuuan, tatlong bagay lang daw ang nais niyang gawin: itigil ang kriminalidad, tapusin ang kurapsyon at ayusin ang pamahalaan./Kathleen Betina Aenlle

Read more...