Malakanyang, positibong makakabangon ang turismo ng bansa pagkatapos ng Marawi crisis

 

Nauunawaan ng Malakanyang ang pag-aalala ng mga dayuhang turista sa sitwasyon ngayon sa bansa, lalo na sa bahagi ng Mindanao.

Ito ang reaksyon ng Palasyo sa gitna ng epekto sa turismo ng krisis sa Marawi City, bunga ng pagsalakay ng teroristang Maute group.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang kaligtasan ang pangunahing ikinukunsidera ng mga bisitang dayuhan.

Ani Abella, batid naman ng pamahalaan ang sunud-sunod na pag-iisyu ng travel advisories ng iba’t ibang bansa, partikular noong idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Martial Law sa Mindanao.

Dahil dito, inasahan na aniya ng gobyerno na may mga turista na magpapasyang ipa-rebook na ang kani-kanilang mga tiket at bumisita na lamang sa ibang mga bansa.

Sa kabila nito, sinabi ni Abella na positibo ang Palasyo na babalik sa normal ang lahat, sa sandaling matapos na ang gulo sa Marawi City.

Wala rin aniyang tigil ang pwersa ng pamahalaan upang matamasa na ang peace and order sa siyudad sa lalong madaling panahon.

Read more...