Reporter at cameraman ng isang TV station sa US, binaril habang naka-live broadcast… Suspek binaril ang sarili
(Update) Patay sa pamamaril ang reporter at cameraman ng U.S. TV station na WDBJ7 habang nagre-report sa kanilang programa.
Naganap ang insidente habang naka-live broadcast ang istasyon kung saan ang 24-anyos na reporter na si Alison Parker kasama ang kaniyang cameraman na si Adam Ward, 27-anyos ay may kinakapanayam para sa kanilang morning news program bandang 6:45 ng umaga sa Virginia (6:45 ng gabi dito sa Pilipinas) sa Bridgewater Plaza sa Moneta, Virginia.
Habang may kausap si Parker, biglang narinig ang sunud-sunod na putok, dahilan para tumakbo ang dalawa gayundin ang kanilang interviewee at maya-maya’y bumagsak na rin ang camerang hawak ni Ward.
Unang binaril si Parker at isinunod si Ward na agad nilang ikinamatay, at ikinasugat naman ng kanilang interviewee na si Vicki Gardner na agad isinugod sa ospital para operahan.
Samantala, binaril rin ng suspek ang kaniyang sarili matapos gawin ang krimen at idineklarang patays a ospital.
Nakilala ang suspek na si Vester Flanagan na kilala rin bilang Bryce Williams, isang dating general assignment reporter ng WDBJ7.
Bago ang kaniyang tangkang pagpatay sa sarili, nag-post pa sa Twitter si Flanagan kung saan mababasa ang kaniyang posibleng motibo sa pagpatay kina Parker at Ward.
Kitang-kita dito ang pagkadismaya ni Flanagan sa pagkakatanggap kay Parker sa trabaho sa kabila ng nakabinbin na reklamo sa nasabing reporter hinggil sa kaniyang ‘racist comments’ sa equal employment opportunity commission.
Sa kaso naman ni Ward, sinabi niyang minsan na niyang nakatrabaho ang cameraman pero inireklamo raw siya nito sa kanilang HR.
Pinost din niya sa kaniyang Twitter account ang video kung saan makikitang nilapitan at binaril niya ang dalawa.
Ayon pa kay Marks, hindi masayahing tao si Flanagan at mabilis mapikon at uminit ang ulo, kaya’t matapos ang ilang insidente ng pagpapakita nito ng hindi magandang asal, sinibak siya sa trabaho at kinailangan pa siyang ilabas ng mga pulis sa gusali.
Bago ang kaniyang pagtatarabaho sa WDBJ7, nagtrabaho rin siya sa TV network sa San Diego, California kung saan ang isa sa mga journalists ng istasyon ay nag-tweet na tinanggal si Flanagan dahil sa hindi magandang ugali at pananakot nito sa mga kapwa empleyado./Kathleen Betina Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.